top of page

“Walang katumbas na halaga ang kagalakang naihahatid sa atin ng mga mag-aaral sa tuwing may natututuhan sila mula sa talakayan.”

       Sa kabila ng maikling panahon o pagkakataon na ibinigay sa amin upang maipamalas ang mahusay at epektibong pagtuturo, masasabi kong sa kabuuan ay matagumpay ko itong naisagawa sa tulong ng aking mga mag-aaral. Ako ay lubhang nasiyahan sa mga karanasan na sila ang aking nakasama.

Apat na seksyon mula sa ika-siyam na baitang ang iniatang sa akin ng aking Tagapagsanay na si Ginoong Allan Alteza, isang dalubguro sa Filipino. Nang una ay tila napaisip ako kung kakayanin kong magturo sa sunod-sunod na oras, ngunit sa huli ay napagtanto kong kaya ko ito. Mahirap ngunit masaya sapagkat kahit na minsan ay wala talaga akong pahinga at kasabay pa nito ay ang pagpapayo at pagtuturo ko ng tamang asal sa aking mga mag-aaral lalo na sa mga pasaway ay natatapos ang araw ko na ako ay masaya. Gumagaan ang aking loob at naaalis ang aking pagod sa tuwing nakikita ko ang aking mga mag-aaral na pinapahalagahan ang kanilang pag-aaral. Nasubaybayan ko ang kanilang pagbabago, kung dati rati’y pasaway at mahiyain sila ngayon ay aktibo at mahusay na rin sila sa klase. Naisasagawa nila nang matagumpay ang bawat gawain na iniaatang ko sa kanila. Ngunit lagi kong ipinapaalala sa kanila na kahit isa ka nang magaling o mahusay na tao dapat ay manatili ka pa ring nakatayo sa lupa at matutong magpasalamat sa Panginoon sa mga biyayang iyong natatanggap.

       

      Bilang isang guro na nagsasanay pa lamang, napatunayan ko na malawak ang imahinasyon ng bawat mag-aaral sa kabila ng kanilang pagkakaiba-iba. Mula sa kaibahang ito ay nagkakaisa sila upang punan ang pagkukulang o kahinaan ng bawat isa. Dahil din dito ay nakapulot ako ng mga bagong ideya upang makabuo ng mga estratehiya sa pagtuturo. Nagpapatunay lamang na hindi lamang ang mga mag-aaral ang may natututuhan mula sa kanilang guro bagkus may natututuhan din ang guro mula sa kanyang mga mag-aaral.

Natutuhan Ko sa Maikling Panahon

Next

Back

DepEd - Minalabac National High School

  • Facebook Social Icon

Minalabac National High School Pre-Service Teachers E-Portfolio

bottom of page