

ABSTRAK
TRADISYONAL AT MODERNONG MAG-AARAL: ISANG KASANAYANG PAGHAHAMBING TUNGO SA GAWI AT SISTEMA NG PAG-AARAL. BENDO, MARK FRANCIS L., CIPCON, JAY-AR T., LEONA, KENNETH REY C., SOLIVEN, MARIEL D., VELASCO, GEIANN YVIFF B., Central Bicol State University of Agriculture, Nobyembre 2016.
Tagapayo: Gng. Myleen T. Balderas
Ang pananaliksik na ito ay ginawa upang matukoy ang gawi at sistema ng pag-aaral ng mga tradisyonal at modernong mag-aaral sa Kolehiyo ng Debelopment Edukasyon.
Ang mga respondente ay pinili sa pamamagitan ng random sampling mula sa unang taon hanggang ika-apat na taon sa Kolehiyo ng Debelopment Edukasyon. Gumamit ang mga mananaliksik ng talatanungan upang malaman ang tradisyonal at modernong mag-aaral, ang pagkakaiba at pagkakatulad sa sistema ng pag-aaral ng tradisyonal at modernong mag-aaral, ang mga salik na nakaaapekto sa tradisyonal at modernong mag-aaral batay sa kaugalian, paniniwala at sistema ng pag-aaral at ang paraan sa pagpapaunlad nito. Ito ay nasukat sa pamamagitan ng interpretasyon ng resulta mula sa ipinamahaging talatanungan.
Layunin ng pananaliksik na ito na: 1. Matukoy kung ilang bahagdan mayroon ang tradisyonal at modernong mag-aaral sa Kolehiyo ng Debelopment Edukasyon, 2. Malaman ang pagkakaiba at pagkakatulad sa sistema ng pag-aaral ng tradisyonal at modernong mag-aaral, 3. Maisa-isa ang mga salik na nakakaapekto sa tradisyonal at modernong mag-aaral batay sa; A. Kaugalian, B. Paniniwala at C. Lipunang ginagalawan, 4. Mabatid kung paano mapapaunlad ang sistema ng pag-aaral at gawi na umiiral sa tradisyonal at modernong mag-aaral ng Kolehiyo ng Debelopment Edukasyon at 5. Makalikha ng kagamitang pampagkatuto batay sa sistema ng pag-aaral at gawi ng tradisyonal at modernong mag-aaral.
Natukoy ng pananaliksik na ito na mayroong makabuluhang pagkakaiba at pagkakatulad ang tradisyonal at modernong mag-aaral sa kanilang gawi at sistema ng pag-aaral. Bagaman may pagkakaiba ang kanilang pamamaraan sa pagkatuto ay higit pa rin na mahalaga at epektibo ang kaalamang kanilang nakukuha batay sa karanasan, sa guro, sa kanilang kapwa kamag-aral, sa paaralan at sa lipunang kanilang ginagalawan.
Batay sa naging resulta ng pananaliksik na ito, mas marami ang modernong mag-aaral kaysa sa tradisyonal na mag-aaral sa Kolehiyo ng Debelopment Edukasyon. Ito ay dahil sa iba’t ibang kulturang kinalakihan ng mga mag-aaral sa kanilang lipunan, mga paniniwala at maging ang iba’t ibang paraan kung paano sila natututo. May kaibahan man o pagkakatulad ang tradisyonal at modernong mag-aaral ngunit pareho itong naglalayong mas mapaunlad at mapalago ang kanilang kahusayan at kakayahan bilang mga mag-aaral upang makamit ang inaasam na tagumpay.




























































































