

Gintong Karanasan mula sa Minalabac
Sa loob ng limampung araw ng pananatili ko sa Mataas na Paaralan ng Minalabac, masasabi ko na isa ito sa mga karanasan na hinding-hindi ko makalilimutan kailanman at dadalhin ko hanggang sa aking pagtanda. Hayaan ninyo akong ibahagi sa inyo ang mga karanasang ito na hindi ko inaasahang mangyayari sa akin.
Sa unang araw o linggo nang pagpasok ko sa bawat silid-aralan kung saan matatagpuan ang mga mag-aaral na inaatang sa akin upang aking turuan ng aral at tamang asal, hindi ko akalain na napakarami ng kanilang bilang; Tatlong seksyon ang ibinigay sa akin, isa sa ikawalong Baitang (Grade 8A) at dalawa sa ikapitong Baitang (Grade 7B at 7D). Ang ikawalong baitang ay may bilang na apatnapu’t walong(48) mga mag-aaral, ikapitong baitang o ang 7B ay animnapu’t pito(67) at ang 7D naman ay animnapu’t lima(65). Hindi ko makakailang ako ay sobrang nahirapan dahil maliban sa dami nila, nahihirapan din ako sa paghahanda ng aking Banghay Aralin at mga Kagamitang Panturo na aking gagamitin upang sila ay maturuan ko at siguraduhing hindi lang sila matututo bagkus ay magiging masaya at aktibo rin sila sa pag-aaral. Naramdaman ko ang hirap at puyat habang isinasagawa ko ang aking paghahanda para sa dalawang baitang na aking tuturuan. Ngunit sa tulong ng aking Tagapagsanay na si Ginang Francia M. Sta. Clara, isang dalubguro sa pagtuturo ng asignaturang Filipino ay naibsan ang aking paghihirap, ni minsan ay hindi ko naramdaman na ako ay kanyang pinabayaan. Napakaganda ng mga ipinapayo niya sa akin, tulad na lamang ng huwag daw akong masyadong mabait sa mga mag-aaral upang respetuhin at galangin nila ako bilang isang guro na nagsasanay pa lamang. Ang payong ito ay sinunod ko at lubhang nakatulong ito sa akin. Isa pa sa mga tumulong sa akin ay si Ginang Minda C. Pega na isa ring guro sa Filipino, nagpapasalamat ako sa kanya dahil kahit na hindi siya ang aking Tagapagsanay ay hindi siya nag-atubiling ibahagi sa akin ang mga kaalaman na maaari kong gamitin sa pagtuturo ng asignaturang Filipino.
Mula sa iba’t ibang ugali at katangian ng aking mga mag-aaral, natunghayan ko ang kanilang angking kagalingan sa pagsusulat, pagbabasa, pagguhit, pagkanta, pagsayaw, maging ang mundo ng pag-arte ay naisagawa nila, lubhang kahanga-hanga sapagkat sa kanilang murang edad ay naipamamalas na nila ang kanilang angking galing nang hindi sa tipikong pamamaraan. Minsan pa nga, nasasabi ko sa aking sarili na mas malawak nga talaga ang imahinasyon ng mga mag-aaral kaysa sa kanilang guro, mas magaling at mahusay sila. Ako ay nagagalak sapagkat mas minahal at pinahalagan nila ang pag-aaral sa asignaturang Filipino at ito ay natunghayan ng aking dalawang mga mata. Noon daw ay hindi nila ito masyadong nabibigyan ng tuon dahil nakakatamad daw magbasa at umunawa ng mga akda o teksto na pinag-aaralan sa Filipino, ngunit sa pamamagitan ng iba’t ibang mga gawain ay aktibo silang nakikilahok sa talakayan at masayang natututo at natatapos ang oras sa Filipino. Kahit pa napakaraming gawain ang inihahanda ko para sa kanila ay nawawala ang aking pagod at puyat sa tuwing nakikita kong naisasagawa nila ito nang maayos, mahusay at matagumpay. Natutuhan din nilang maging magalang hindi lamang sa akin bilang isang guro kundi pati na rin sa mga taong nakasasalamuha nila araw-araw. Naramdaman ko ang kanilang pagpapahalaga sa asignaturang aking itinuturo at maging sa akin bilang kanilang guro, naramdaman ko rin na itinuring nila akong kaibigan, kapatid at pangalawang magulang sa loob ng paaralan. Aminin ko man o hindi, maging ako man ay napalapit at napamahal na rin sa kanila, itinuring ko na rin silang aking mga anak. Nagpapasalamat ako sa kanila sapagkat tinulungan nila ako upang maisagawa ko nang matagumpay ang aking pagsasanay bilang isang guro. Hinding-hindi ko sila makalilimutan kailanman.
Napatunayan ko na ang pagiging isang guro ay may kaakibat na responsabilidad. Ito ay mahirap ngunit kung gusto mo at mahal mo ang iyong ginagawa, ang iyong pagod ay mapapapalitan ng ngiti sa iyong mga labi at galak sa iyong puso. Matutuwa kang ibahagi sa iyong mga mag-aaral ang iyong mga kaalaman at karanasan, sapagkat bilang isang guro dapat ay hindi tayo magsawang magturo at umagapay sa ating mga minamahal na mga mag-aaral.
Maraming salamat Minalabac, sa loob ng limampung araw ay nagkaroon ako ng gintong karanasan sa inyong bulwagan. Ito na lamang aking aking iiwang kataga, “Kung wala ang mga mag-aaral walang maititirik na paaralan at walang silbi ang mga guro.”
